Mahirap Pero Dapat

Sa mga nangyayari ngayon, alam ko madami sa atin ay nakakaranas ng hirap. Hindi man tayo direktang apektado ng coronavirus (wala tayong sakit o sintomas, Praise God), pero apektado tayong lahat dahil dapat tayong magingat.

Marami ngayon ang nakakaranas ng iba’t ibang klase ng paghihirap. Mga nahihirapang pumasok sa trabaho ang mga frontliners dahil suspendido and transportasyon. May ibang pampublikong sasakyan na bumibyahe nga, pero hindi sila pinapasakay, sa takot na may dalang virus ang frontliner. May iba naman, kahit hindi frontliner, ay kailangan din pumasok, dahil nagtatrabaho sila sa mga supermarket, mga botika, mga kainan na kailangan nakabukas parin para naman may mabilhan ng mga pagkain. Yung iba, nagtatrabaho sa mga BPO, para din naman tuluy-tuloy pa ang ekonomiya natin.

Yung iba, nahihirapan magsibili ng mga gamit at pagkain. Nagkakaubusan ang mga groceries, yung iba nagho-hoard. Yung ibang palengke, siksikan parin. Sa mga groceries, limitado na ang pumapasok. Sa pinuntahan kong supermarket kahapon, hindi nasunod ang social distancing. Yung ibang mamimili, nakapila sa cashier ng PWD, senior, at buntis, kahit hindi sila kabilang dito. Nakakalungkot.

Sponsors

Para sa atin na hindi naman pumapasok, o hindi naman kailangan lagi lumabas, dapat tayong sumunod sa Enhanced Community Quarantine para sa kaligtasan natin at ng ating mga mahal sa buhay. Dito sa lugar namin, meron nang total lockdown, dahil dumadami na ang nagiging positibo sa covid-19. May bagong schedule na ng pamimili sa palengke ang bawat barangay. May mga nagreklamo, may mga sumang-ayon. Pwede naman na i-check muna kung pano ito maipapatupad. Pwede naman mag-adjust kung anu yung hindi nagwo-work.

Dapat tayong sumunod sa ECQ/lockdown para hindi na din malagay sa peligro yung mga frontliners na hindi na din matapos ang trabaho, tapos dumadami pa ang nagkakaroon ng sakit. Habang dumadami ang Persons under monitoring (PUMs) at Patients under Investigation (PUIs), nadadagdagan ang mga napupunta sa ospital. Nagkakaubusan ng mga rooms. Hindi lang naman coronavirus ang sakit. Merong iba na maaaring nagkaka-aksidente. May kakilala ako na na-stroke, hindi ito related sa covid-19, pero kailangan niya ng tulong. Kung puno ang mga ospital, san kaya siya naisugod?

Isa pa sa medyo mahirap gawin, ay ang pag-check sa social media at pagshe-share nalang basta-basta ng mga bagay, kahit ito fake news pala. Lahat tayo gusto ng impormasyon. Lahat tayo, kapag may nakuhang impormasyon, gusto agad ibahagi sa mga tao. Maganda yung pakiramdam ng nakatulong ka sa tao dahil nagbigay ka ng impormasyon. Pero hindi nakakatulong kung ang naikalat mo ay fake news.

Minsan, mahirap talaga sumunod, pero dapat. Mahirap ang kalagayan ngayon, pero naniniwala ako na pansamantala lang ang lahat ng ito. Makakaraos din tayo. Tiwala lang kay Lord. Minsan mahirap yan, pero, oo, dapat.

Sponsors

What do you think?