Kumusta?

Kumusta ka?

Napakasimpleng tanong, pero ang dami nitong maaaring sagot, depende sa lagay o estado sa buhay ng taong tinatanong mo. Lalo din na nsa Enhanced Community Quarantine na ang buong NCR (O buong Pilipinas na ba?), hindi natin alam kung kumusta na ang mga taong nakakasalamuha natin pag normal ang kalagayan ng bansa.

Kumusta na kaya yung mga kamag-anak natin? Yung mga kaibigan natin? Yung mga kapitbahay natin? Yung mga katrabaho natin? Yung mga suki natin sa palengke? Yung ibang kakilala natin, saang parte man sila ng mundo nandoon? Kumusta na kaya sila?

Sponsors

Kumusta ka? Tanong mo sa isang kaklase na matagal mo nang hindi nakikita o nakakausap.

Madalas, ang maririnig o mababasa mong sagot (kung tinanong mo sa text) ay “Okay lang naman. Ikaw?” At dito na magsisimula ang maaaring mahabang usapan o maikli, depende sa oras na nangamusta ka. Maaaring nagtatrabaho ang kausap mo, kaya medyo matatagalan siya sumagot.

Sila ang mga taong magandang kumustahin once in a while, para lang manatili ang relasyon ninyo, lalo kung close kayo nuon, at madami lang nangyari sa buhay kaya hindi na ninyo na-update ang isa’t isa. Maaaring matapos ang kumustahan sa phone o sa text, makapag-set up kayo ng meet-up para magkita at magchikahan.

Kumusta ka? Tanong mo sa isang taong alam mo na kaka-break lang sa jowa niya.

Minsan, may sasagot ng “Okay lang,” pero may karugtong na iyak… Malamang, sinusubukan na niya mag-move on, kaso kinamusta mo siya, at biglang naalala niya ang mga masasayang araw, at narealize niya na tapos na ang mga araw na iyon, kaya maiiyak naman siya… Tipong, sana hindi ka nalang nagtanong no?

Sila ang mga taong kailangan mo din bantayan at kumustahin ng ilang beses. Hindi natin alam kung anu ang nasa utak nila, at kung paano nila i-handle ang pagiging broken-hearted. Maaaring ayaw nila lumabas at makisalamuha sa ibang tao, pero mahalaga na maisip at maramdaman nila, na kahit iniwan sila ng dati nilang jowa, hindi ibig sabihin nun na hindi sila worth mahalin. Mahalaga sila, at malamang sa malamang, may ibang tao pang nagmamalasakit at nagmamahal sa kanila.

Kumusta ka? Tanong mo sa isang taong alam mo na namatayan.

Sa aking palagay, sila ang mga taong hindi mo dapat i-expect na sasagot na okay lang sila. Nawalan sila ng mahal sa buhay. May pagmu-move on sila na kailangan gawin, pero hindi tulad ng mga nakipag-break lang, ang mga taong namatayan, hinding-hindi na maaaring balikan ng taong sumakabilang buhay na. Kahit maaaring nasa piling na ni Lord yung mahal nila sa buhay, maiisip nila ang lungkot na wala na sa piling nila ang taong iyon. Na haharapin nila ang buhay na wala na sa eksena ang taong yun, at hindi na babalik.

Sila ang mga taong hindi mo dapat sabihan ng “Okay lang yan,” dahil hindi mo alam ang nararamdaman nila (maliban kung namatayan ka na din.) Mas madalas, ang mga taong nawalan ng mahal sa buhay, mas kailangan ng kalinga at pag-unawa. Kailangan din nila ng matibay na dahilan para magpatuloy sa buhay. Maaaring namatayan sila ng asawa, kailangan nilang mamuhay ng normal para sa mga anak nila. Maaaring namatayan sila ng magulang, kailangan nilang mas maging malapit sa kanilang mga kapatid, o sa naiwan nilang magulang at ibang kamag-anak. Kung anu man ang relasyon nila sa taong namatay, mahalaga na ipaalam natin sa kanila, na gugustuhin ng namatay na magpatuloy sa buhay ang mga naiwan nila. Na manatili parin silang masaya. Mahirap, at baka matagalan, pero kakayanin.

Ikaw, pag tinanong ka kung kumusta ka na, anu ang isasagot mo? 🙂

Ako, sasabihin ko na okay lang ako. At depende sa magiging flow ng usapan natin kung anu pa ang mga sasabihin ko. 🙂

Sponsors